Saturday, July 14, 2012

Sa Hindi Ko Maintindihang Dahilan

Hehehe... Parang title lang ng isang teleserye sa ABS CBN no? Bigla na lang akong napasulat ng may ganitong klaseng title dahil lamang sa isang bagay na bigla ko na lang inalala.

Dumaan ako sa isang pagsubok sa hindi ko maintindihang dahilan. As in hindi ko talaga alam kung bakit ganoong klaseng problema ang mayroon ako noon. Pinipilit kong intindihin sa sarili ko pero may lumalaban sa loob ko. May mga bagay na pumipigil na dapat tama na, tapos na, wala na akong magagawa pero ganoon pa rin. Ipinapasa-Diyos ko na ang lahat pero ganoon pa rin. Nagtatanong ako sa sarili ko, deserve ko ba ito? May problema ba sa akin? Lahat kaya ng tao, may ganitong problema rin? Ano bang problema sa akin? Karma ko ba ito? Hindi ko alam kung tanong ko ba ito sa sarili ko, o tanong ko ba ito sa Kanya?

Isang kaibigan lang ang nakapagpatino sa akin. Sa sobrang lugmok ko, bigla na lang akong napaiyak. Ngunit hindi lamang iyon ang pagkakataong umiyak ako dahil may nararamdaman akong mabigat sa puso ko, maraming beses na. At sa pagiging emotional ko, hindi na siya maganda. Hindi na siya nakakatulong at lalong-lalo nang hindi na siya nakakatuwa. Lahat na lang ng mga nangyayari sa buhay kong hindi maganda, kailangan kong harapin sa pamamagitan muna ng pag-iyak. Nakakapagod na rin mag-isip ng mga tamang solusyon na kailangan pa talagang haluan ng mga luha. Kung magpapatalo ako sa mga emosyon ko pagdating sa lahat ng mga bagay, wala ring mangyayari sa huli. Lagi akong talo, lagi akong lagapak, lagi akong kawawa. At hindi talaga siya maganda lalo na sa isang katulad ko na dapat ang ipinapakita, malakas ako sa lahat ng aspeto ng buhay. Hindi ka tao kung hindi mo kakayanin ang isang problemang alam ng Diyos kung bakit Niya ito sa iyo ibinigay.

Pero kapag sobra namang dami, kahit anong ipilit mo, minsan iisipin mo na lang ding tumigil na. Puwedeng titigil ka muna sa mga nakasanayan mong gawin. O sa mas malalang sitwasyon na ititigil mo na ang buhay mo dahil hindi mo na kaya. Nagkaroon ako ng ganyang klaseng sitwasyon na sa sobrang dami, bukod sa pag-iyak, gusto ko ng tumigil sa kung ano ang ginagawa ko ngayon. Marami nga akong kaibigan pero gusto ko man silang sabihan ng problema, oo't makikinig lang sila at magbibigay ng payo pero hanggang doon lang. Ayoko rin namang makasira ng moment na mga kaibigan ko na masasaya't kumpleto na ang buhay. Ayoko na rin umabot sa puntong kailangan kong magpapansin para na sa akin ang atensyon at ako naman ang pakinggan ninyo. Kung may problema ako, kung kakayanin ko namang solusyonan, siguro sa akin na lamang muna iyun. Kung hindi ko na kaya, ewan ko na lang. Nakakahiya rin naman kasi na nag-iiyak ako sa harap ng mga kaibigan ko.

Sana kung anong mayroon sila, mayroon din ako. Gusto ko lang naman na maging masaya. Ang mga opportunities, sana dumating na rin sa akin. Ang isang bagay na pinakahihintay ko, sana dumating na. Kasi gusto ko lang naman sumaya. Hindi ako naiinggit dahil isang malaking kasalanan ang magkaroon ng inggit at para maiwasan, kailangan kong gawin ang mga tamang gawain sa buhay. Maraming salamat sa mga kaibigan ko dahil laging sa oras na ganito, nandiyan sila. Masarap na sa pakiramdam kapag nagtatanong sila ng "okay ka lang ba?" at doon at bigla na lang akong napapaiyak. Doon ko napapatunayan na kahit hindi ko sila kaano-ano, ay handa silang magtanong sa iyo kung maayos ba ako o hindi. At higit sa lahat, nandiyan ang ating mahal na Panginoon na laging handang makinig at magbigay ng kung ano ang nararapat sa iyo. Siya na talaga ang bahala sa lahat.

Ako maayos na ako! At alam ko na rin ang dahilan kung bakit ganoon. Okay na siguro kung hindi ko nararamdaman ang care mo basta ang importante nandiyan ka lagi sa tabi ko. Maraming, maraming salamat!

At sa susunod Ziegrey Oris Balota, hindi lahat ng problema dapat iniiyakan. At marunong ka dapat maghintay at kung sakaling darating ang panahon na ikaw naman ang kakailanganin, huwag maghintay ng kapalit. Hayaan mong ang Diyos ang bahala sa isang magandang bagay na ginawa mo, sa kaibigan mo man o sa kapamilya!


"For you have need of endurance, so that after you have done the will of God, you may receive the promise." - Hebrews 10:36

Salamat sa pagbabasa...

At toodles!!!

No comments:

Post a Comment