ANG AKING PAMILYA
Masakit man dahil sa taong ito ay iniwan na tayo ni Tito Pe (Alfredo E. Oris), hinding-hindi natin siya malilimutan. Siya na ang magsisilbing anghel natin na titingin sa atin at magdarasal para sa ating lahat. Kayo ang naging sanhi ng aking inspirasyon. Kayo ang aking lakas. Maraming salamat.
Hindi ako sanay na magpasalamat ng harap-harapan sa inyo ngunit alam niyo na siguro ang pagmamahal na aking ibinabahagi sa inyo!
Ang tanging hiling ko lang para sa ating lahat ay napakalusog na pangangatawan at walang sawang biyayang kung maaari'y maibagi Niya sa atin.
ANG AKING MGA KAIBIGAN
Aaminin kong hindi karamihan ang aking mga kaibigan. Ngunit para sa akin, aanhin mo man ang maraming kaibigan kung hindi ka naman nila kakilala mula ulo hanggang paa. At sila iyun. Ang dalawang grupong aking kinabibilangan.
Para sa aking mga mahal, ang Fantastic Six Plus, maraming salamat sa walang sawang pagtawa sa aking mga biro, sa walang sawang pag-intindi sa aking ugali, sa walang sawang pagpapasensya sa aking mga kamalian at sa walang sawang pagmamahal bilang inyong kaibigan. Nagkaroon man ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan namin ni Marky, naniniwala pa rin kayo na balang araw ay magiging maayos ang kung ano man ang sa amin. At siyempre pa, higit akong natutuwa dahil napabilang na sa atin ang pinakamamahal nating sila Adrian at Melai. Nahihiya man sila at paminsan-minsa'y nagpapaubaya, binuksan natin ang ating mga kamay at isinama sa ating magandang samahan.
Sampung taon na tayong magkakaibigan. Nalampasan na natin ang sinasabi nilang "pitong taon" at sa pagkakataong ito, ang pagkakaibigan natin ay selyado na. Wala nang makakasira pa. At sama-sama tayo hanggang sa ating huling hininga!
Para sa aking mga kapatid, ang Teacherrifics, maraming salamat sa mga kuwento, biro, pasensya, suporta at higit sa lahat, pagmamahal. Hindi man tayo magkakasama na sa iisang bubong, ang Ann Arbor Montessori, nananatili pa rin tayong matatag anumang pagsubok ang mga nangyayari. Ang iba sa ati'y may pamilya na, magkakapamilya na, mag-asawa na, mag-aasawa na at patuloy na umiibig, nagpapatunay ito na ang ating pagkakaibigan ay subok na sa tibay at subok na sa tatag.
Lahat tayo'y nakisimpatiya sa pagkawala ng ina ni Theresa at sa ina ni Onin na asawa ni Julie Girl. Lahat tayo'y nasasabik na sa pagdating ni Zayelle, ang unang anak nina Theresa at Joel. Lahat tayo'y nasasabik sa kasalang Chris at Julie at Kuya Frank at Ms. A. Lahat tayo'y naligayahan sa pag-uwi ni Lyrize mula sa Jeddah at sa muling pagsasama nila ni Yuan. Lahat tayo'y nagalak sa mga bagong kompanyang naging bahagi sila Andrew at Lyrize. At ako'y nagagalak dahil sa unti-unting pagbabalik ng ating pagkakaibigan, Rachel. Nawa'y magtuloy-tuloy ang magagandang balita at pangyayari sa atin at sa ating mga pamilya. Nawa'y maging handa tayo, pisikal man o emosyonal sa kung anumang pagsubok ang maaaring dumating sa ating pagkakaibigan.
Maraming salamat dahil kayo'y aking naging mga kaibigan.
ANG AKING MGA KAIBIGAN SA TRABAHO
Hindi kumpleto ang isang araw sa Far Eastern University kung hindi ko sila nakakasama at nakakakuwentuhan. Ang aking mga kapatid sa Interdisciplinary Studies Department na sina Ma'am Basil, Sir Kenneth, Sir Jeno, Sir Joey, Ma'am Emi at Sir Jorge at sa aming pinakamamahal na pundasyon at sandigan, Sir Manny, maraming salamat sa pagtutulungan, sa mga tawanan, sa mga kuwentuhan at sa mga karunungang inyong ibinabahagi. Inspirasyon ko kayo sa aking pagtuturo. At kung ano man ang ating mga kapalaran sa susunod na taon, nawa'y hindi tayo bumitiw sa samahang ating nabuo.
ANG AKING MGA MAG-AARAL
Sa inyo na naging kasama ko sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan, maraming salamat sa mga hindi malilimutang pagkakataon na ako'y inyong naging guro. May mga pagkakataon man na ako'y nagalit o nagsungit, patawad. May mga pagkakataon man na kayo'y natawa sa aking mga biro, salamat sa masasarap na tawa. May mga pagkakataon man na ako'y nakatulong sa inyo, walang anuman! May mga pagkakataon man na kayo'y may natutunan sa aking mga aral, ako'y nalulugod at natutuwa!
Misyon ko na ibigay sa inyo ang nararapat na karunungan na maaari ninyong magamit sa mga darating na araw. Pahintulutan ninyo akong maging bahagi ng inyong buhay-estudyante, sa mga leksyon, proyekto, riserts, pangkatang-gawain at kung ano pa man. Kung oo man, maraming salamat at magiging maganda ang ating samahan.
At sa Far Eastern University, maraming salamat sa pagkakataong maging isang propesor.
2015 ay naging akin, nawa'y sa darating na bagong taon, maging akin ulit ito. Ika nga ng isang kasabihan, "You are never too old to set another goal or to dream a new dream."
Toodles, 2015!
Hello, 2016!
Mga larawan mula sa Facebook account nina Cacai Tandingan, Julie Ann Cory Jimenez, Sir Emmanuel Gonzales, Jenorie San Agustin at sa Far Eastern University (official).
No comments:
Post a Comment