ANG PARANG LOVE STORY NG DALAWANG MAGAGALING NA MANUNULAT
"Kung payabangan lang naman ang usapan, hindi hamak naman na mas maganda ang blog ko," sabi ni Writer Number One sa kanyang katabi sa opisina na si Writer Number Three. "Mabuti ka pa na pina-follow mo ang blog ko pero yung isa diyan, akala mong napakagaling magsulat, eh ewan ko lang kung bakit hindi pina-follow? Siguro nuknukan ng inggit sa akin dahil maraming nagbabasa ng blog ko. Mabuti na lamang talaga at hindi ko binabasa ang blog niya!"
"Easy ka lang! Blog lang yan, huwag mong masyadong dibdibin. Hindi naman sukatan ang pagkakaroon ng follower eh. Ang importante, maraming nagbabasa sa iyo! At saka, isa lang siya, ano ba naman yung pina-follow ka!" marahang bigkas ni Writer Number Three.
"Ah basta! Mas maganda ang sa akin!" yabang muli ni Writer Number One.
Biglaang napadaan sa harapan ng kanilang cubicle ang pinariringgan ni Writer Number One na si Writer Number Two. Walang kaimik-imik ang binata ng umupo ito kasama nila sa kanilang lugar. Kinamusta ni Writer Number Two ang napapabalitang bagong blog post ni Writer Number One.
"Balita ko maraming natutuwa sa binasa mo ha! Saan ka ba kumukuha ng mga inspiration mo?" tanong ni Writer Number Two.
"Siyempre sa lahat ng aspekto ng buhay, sa pag-ibig, sa kaibigan, sa pamilya, sa mga lugar na napuntahan ko na, sa mga totoong tao na kilala kung talaga ako, puwede ring sa iyo, o sa kanya, o sa kapwa ko manunulat. Kahit saan! Kaya nga sa tingin ko ang galing-galing kong magsulat kasi maraming nagbabasa ng mga sinusulat ko, may kuwenta man o wala!" ani Writer Number One.
"Pero matanong ko lang, ilan na ba ang followers mo sa blog mo?" muling tanong ni Writer Number Two habang umiinom ng kanyang kinuhang kape.
"Aminin ko kakaunti pa lang, mga nasa lima pa lang. Pero hindi ba ikaw na rin ang mismong nagsabi na wala sa followers yan kundi nasa mga nagbabasa ng blog mo yan!" yabang ni Writer Number One.
Napapansin na ni Writer Number Three na nagkakaroon ng munting tensyon sa pagitan ng dalawang magaling na manunulat. "Eh ikaw, saan ka kumukuha ng mga ideya mo pagdating sa pagsusulat mo? Napapansin ko kasing lagi kang nagsusulat tungkol sa mga bagay na nangyari sa buhay mo?" tanong ni Writer Number One.
Sambit ni Writer Number Two, "Tama ka nga! Laging tungkol sa aking buhay ang mga sinusulat ko sa aking blog. Gusto ko kasing malaman ng lahat ng tao kung ano ang mayroon sa aking buhay na maaaring nangyayari or nangyari sa buhay nila?"
Tanong muli ni Writer Number One, "Eh paano kung nasayang lang ang isinulat mo dahil ni isa sa mga mambabasa o ang mga followers mo eh hindi nakaka-relate sa post mo? Sayang naman ang mga letra!"
"Wala na akong magagawa roon. Kung hindi sila natuwa or nakadama ng aking mga pighati, kaluwalhatian at kasiyahan sa aking isinulat, okay na ako roon. Ang importante sa akin at sa blog ko ay may naidagdag akong magandang ideya na puwede rin naman nilang maakibat sa kanilang buhay," sabi ni Writer Number Two, habang nakatitig ang kanyang mga mata kay Writer Number One.
Sumingit si Writer Number One, "Para sa akin, mas gusto ko pa rin kung ano ang itinitibok ng isip at puso ko. Kung ano ang nakikita ko, ganoong klaseng ideya ang isusulat ko. Gusto ko lahat ng mga taong nagbabasa sa akin ay natutuwa at natututo sa mga isinulat ko."
Nagtanong si Writer Number Two, "Paano kung hindi rin sila natuwa sa isinulat mo?"
Sumagot ng medyo inis si Writer Number One, "Wala na akong magagawa roon. Kung hindi nila gusto, masaya na rin ako dahil nailabas ko sa pamamagitan ng pagsusulat kung ano ang gusto kong i-share sa lahat. Alam ko na darating din ang araw na mababasa nila ang isinulat ko at siguradong magiging bukambibig nila ito!"
Biglang nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa pagitan ng dalawang magagaling na manunulat. Biglang winakasan ni Writer Number Three ang tensyon, "Guys! Mas mabuti pa na tigilan na natin kung sino ang magaling, sino ang dapat maging followers at sino ang mga nagbabasa. Iisa lang ang pakay natin, ang magsulat ng ayon sa puso't damdamin natin. Wala yan sa dami ng nagbabasa o sa dami ng sumusunod sa bawat galaw mo o sa kung ano ang laman ng mga isinulat mo. Yan ay nakadepende sa gustong basahin ng tao. Ang tanging ginagawa lang natin ay mapasaya ang lahat ng mga tao pagdating sa ating malilikot na utak."
"Writer Number Three! Sandali lang at may itatanong ako sa iyo!" sigaw ng kanilang boss.
"Sandali lang kayong dalawa ha! Huwag kayong magpatayan!" pag-aalala ni Writer Number Three.
Tumingin sa kawalan ang dalawa. Nagpatuloy sa pagsusulat si Writer Number One habang tinatapos ni Writer Number Two ang kanyang kinuhang kape. Tumingin kay Writer Number Two si Writer Number One at unti-unti niya itong kinausap.
"Bakit hindi mo ako pina-follow sa blog post ko?" tanong ni Writer Number One.
Napangiti si Writer Number Two, sabay tingin kay Writer Number One. "Gusto mong malaman ang totoo? Dahil hindi kita kayang sundan. Napakagaling mo kasi pagdating sa pagsusulat. Saludo ako sa iyo, sobra! Nahihiya akong i-follow ka dahil ayaw ko na sinusundan ka lang, tinitingalaan ka dapat ng lahat!"
Napapikit sa sobrang kahihiyan si Writer Number One. Hindi niya alam kung ano ang gusto niyang sabihin. Sa kanyang pagkakataon naman, nagtanong si Writer Number Two kay Writer Number One, "Eh bakit ikaw, hindi mo binabasa ang blog ko?"
Napatungo na lamang si Writer Number One. Nahihiya ngunit malakas ang loob niyang sabihin ang totoo. Tiningnan niya muli sa mata si Writer Number Two. "Kasi hindi ko kaya na nababasa ko kung ano ang nararamdaman mo sa bawat pagsusulat mo. Inaasahan ko na kasi na puros lungkot at pighati ang laman niyan. Ayaw ko siyang basahin dahil malungkot ka. Sana sa mga darating na araw na magsusulat ka, lagi na lang masaya para nakikita ko sa iyong mga salita na masaya ka!"
Parehong ngumiti ang dalawang magagaling na manunulat. Iba man ang kanilang istilo at laman ng kanilang pagsusulat, nagkakasabay naman sila sa tugtog ng kanilang sayaw, ang paligayahin ang lahat ng kanilang nagbabasa.
"Pasensya ka na't naging mayabang ako!" ani Writer Number One. "Hindi ko na kailanman gagamitin iyun bilang excuse sa kung bakit pakiramdam ko na walang natutuwa sa akin. Kailangan kong maging humble dahil hindi lahat ng tao nakakapagsulat ng ayon sa kanilang nararamdaman."
"Pasensya ka na rin kung nakalimutan ko!" sambit ni Writer Number Two. "Hayaan mo't iibahin ko na ang istilo ko sa pagsusulat para maging masaya ang mga mambabasa ko, at isa ka na roon!"
"O, bati na kayo?" tanong ni Writer Number Three. "Tara na't magsulat at alam kong maraming naghihintay sa atin!"
Hopefully you would like this. I know it's in Filipino but when you write, it doesn't matter what language are you using. The bottom line is you've shared what you have inside of your heart. Few days from now, The Brouhahas is one year old! Thank you so much for your unrelenting support!
Toodles!!!
No comments:
Post a Comment