Hindi po ito isang maikling kuwento o titulo ng isang bagong pelikula na aking sasaliksikin. Hindi rin po ito titulo ng isang tula o isang awit. Isa po itong tanong. Tanong sa mga taong maaaring makapagbigay sa akin ng napakagandang sagot.
Sa loob ng pitong taon ng pagtuturo, ngayon lang ako nakaranas ng sobrang pagod. Maraming bagay kung bakit ako napapagod: pagbiyahe ng halos tatlong oras mula Muntinlupa hanggang Maynila, paggawa ng mga lesson para sa mga estudyante ko, pag-iintindi sa iba't ibang ugali ng mga estudyante pagdating sa pag-aaral, pagsuway sa mga makukulit at walang tigil na kadaldalan ng mga bata, pagsigaw, paghampas sa mesa, pananalita na ng mga masasakit na salita sa mga estudyante para lamang umayos at ang higit sa lahat, ang pagtanggap sa anumang sasabihin ng mga estudyante sa iyo, maganda man, lalo na kung hindi.
Sa hindi mabilang na pagkakataon ay nagalit na naman ako sa isang klase. Ang scenario: binigyan ko sila ng instruction na basahin ang ibinigay kong hand-out tungkol sa Writing Clear and Effective Sentences sa loob ng sampung (10) minuto. Isa na lamang itong pagbabalik-aral dahil siguro nama'y noong sila ay nasa sekundarya o kahit siguro elementarya ay alam na nila kung papaano magsulat ng mga pangungusap. Imbis na mag-aral, nagdadaldalan, naghaharutan, nagsisigawan. Nakailang saway na ako pero tuloy pa rin. Kahit ako'y nagbabasa rin para naman sa aking pag-aaral ng MA. Ngunit wala pa rin. Bilang ganti at para na rin masukat ko ang kanilang "kagalingan," ay nagsagawa ako ng graded recitation. Ganito ang sistema: kung walang masagot, may gradong 0; kung mayroon pero hindi angkop para sa aking tanong, may gradong 60; at kung maganda ang pagkakasagot, may gradong 80. Nagtawag ako ng mga pangalan, walang nakasagot. Ano ang sanhi? Hindi nagbasa. Ano ang dahilan? Nagdadaldalan. O maaaring, wala na silang pakialam kung ano man ang mangyari sa kanila.
Hindi ko na sasabihin kung anong course ang kanilang kinukuha, pero sila'y mga nasa unang taon ng kolehiyo. Take note! KOLEHIYO. Sa pagkakatanda ko noong ako'y nasa unang taon ng kolehiyo ay hindi kami madadaldal, kahit pa nagkaroon na kami ng mga kaibiga't barkada. Gumagawa ako ng mga takda para sa susunod na klase. Pumapasok ako sa klase kahit kalimitan ang aming guro ay hindi nagpapapasok. Iniisip ko ang ipinambayad kong matrikula dahil kailanga'y ito'y mapalitan ng karunungan. Kung ano man ako noon bilang first year college student ay sa tingin ko'y wala namang pinagbago sa ngayon, dahil kung ano ang first year college student noon ay first year college student pa rin ang dapat na i-akto ngayon. Natatandaan ko ang sinabi ng aking kasamahan sa trabaho na huwag na huwag mabanggit ng mga estudyante ngayon na mayroong generation gap ang mga guro ngayon sa mga kabataan ngayon. Ito lamang ang magandang banat! Ano man ang sabihin mo, at ibato mo, estudyante ka pa rin!
Sa loob ng isang linggong pagtuturo ng English Communication Arts and Skills ay ayaw ko tuwing Lunes at Huwebes na ang oras ay mula ika-3 hanggang ika-4 at kalahati ng hapon at ang mga buong araw ng Martes at Biyernes. Ito kasi ang mga araw na walang isang pagkikita namin ay hindi ako magagalit. Ito kasi ang mga araw na kung saan nasisira ang mga gusto kong mangyari para sa klase ko. Ito kasi ang mga araw na kung saan mas gugustuhin pa ng mga estudyante ko ang lumiban sa klase kaysa pumasok. Lunes at Huwebes ng ika-3 hanggang ika-4 na kalahati ng hapon at Martes at Biyernes, na dati'y normal at nakakatuwang mga araw sa aking isang linggo, sa ngayo'y ayaw kong dumarating. Aaminin ko, hindi ako nagpapapasok minsan dahil iniiwasan ko sila. Iniiwasan kong magkasakit. Iniiwasan kong magalit, manigaw at mamahiya! Siguro'y tuwang-tuwa sila dahil hindi ako pumapasok pero sila rin naman ang mawawalan. Siguro'y tuwang-tuwa rin sila na hindi pumapasok sa klase ko ngunit, sila rin naman ang mawawalan.
Ang pinakamasaklap siguro na maaaring magawa sa akin ng mga estudyante ko ay baligtarin kung ano ang tunay na nangyayari! Lalo na't nalalapit na ang pagkakataon kami ay kanilang ie-evaluate sa pamamagitan ng website ng aming pamantasan. Katulad na naman kami ng isang malinis na puting papel na may maliit na dumi. Ang dumi ang magsisilbing dahilan kung bakit may pangit kaming marka mula sa kanila, na sa tingin ko'y hindi nila nakikita kung ano ang mga puti na nasa papel. Para siguro sa ibang estudyanteng napagalitan ko, napahiya ko, nabulyawan ko, at naibagsak ko (raw), mabibigyan ako ng mababang marka. Mangilan-ngilan lang siguro ang magbibigay na tamang grado. Wala kasi silang pakialam sa nararamdaman ng kanilang guro. Para sa kanila, ang importante'y maging masaya lalo na kung kasama ang kanilang mga kaibigan.
Eh siraulo ka pala eh, binibigyan mo kami ng sakit ng ulo! Una sa lahat, bakit ka pa nag-aaral kung ang nais mo lang pala eh masarap na buhay! Maghanap ka ng punong namumunga, humiga ka doon at hintayin mong mahulog sa iyo ang inaasam mong bunga! Ibig sabihin, maghintay ka ng milagro sa buhay mong paibaba ang pagbugso! Nagsasayang ka lang ng halos isandaang-libong-pisong pangmatrikula mo! Huwag na huwag mong isusumbat sa amin na kung hindi dahil sa binabayaran mong matrikula ay hindi kami sumusuweldo! Kung nakakaintindi ka lang ng patakaran ng mga eskuwelahan o pamantasan pagdating sa pasuweldo ay malamang, sumuko ka! Wala ka talagang pakialam kahit ang iba sa ami'y napapagod na sa pagdala ng mga bag, paggawa ng mga leksyon para sa inyo at paggising ng pagka-aga-aga para lamang pasukan ang klase ninyo!
Okay! Nadala lang ako sa aking matinding emosyon.
Pasensya na kung may mga masasaktan o may mga matatamaan. Kung tutuusin, nag-ugat lamang ito sa walang tigil kong pangungunsinte at paninigaw sa mga estudyante ko.
Sa loob ng pitong taon sa pagtuturo, nais ko munang magpahinga bago man ito maging walo. Pero paano kung ito talaga ang nakasanayan kong propesyon. Paano ako makakalipat ng industriya? Mayroon kayang malapit-lapit na propesyon o industriya sa pagtuturo? Hindi ako si Superman na malakas! Sa totoo lang, nakakapagod!
National Teacher's Month pa man din pero ito ang nararamdaman ko. Maliit, nababastos.
Nagtatanong pa rin ako kung bakit ganito?
Toodles!!!
No comments:
Post a Comment