Subukan ko naman kayang magsulat ng poem (coñotic lang!) using the Filipino language? Pakiramdam ko kasi mas mabulaklak ang damdamin at mga salita kapag ang gamit mong wika ay ang sarili mo. Though, I still love English! Hindi na talaga maiaalis sa akin ang aking love sa English. Parang, I was thinking na nga if I will switch again from Special Education to English dahil I really miss teaching it. Though, it was really my hardcore passion, to teach kids who were having special needs and attention! Anyway, nalayo na naman tayo, kailangan ko ng magsimula!
ULAN, ULAN
Paggising sa umaga o kaya'y naalimpungatan
Patak ng ulan, tuloy tuloy walang humpay
Maingay sa bubong, naiinis o kaya naiirita
Umuulan na naman, gala'y purnada na naman
Pero anong pakialam ko, mas gugustuhin ko ito
Patak ng ulan, bigay sa aki'y napakaganda
Walang init, walang alinsangan, walang irita
Kapag umuulan, sobrang sarap sa pakiramdam ko
Ang ayaw ko nga lang, lumalakas, nagngangalit
Aangat ang tubig sa daang walang papuslit
Basa lahat, lalo na ang pinagkakaingat-ingatan
Paa'y siguradong lalapnos, lalo na't ito'y nalinisan
Ang emosyon, naku, kapag sinabing umuulan
Nakikiayon ang panahon sa anong mayroon ngayon
Masungit man o malungkot, nariyan ang pagkakataon
Lumabas at umiyak, tiyak hindi halata iyan sa ulan
Kung puwede nga lang sana ibalik ang nakasanayan
Na kapag nagbabadya, pagligo sa ula'y handa na
Kasama ang barkada, tawanan at kuwentuhan
Sabay-sabay nagtatampisaw, kapag bata'y liligaya
Huwag niyong ipagsabi na ang ulan ay salot
Dahil ako'y mang-aaway, sisigaw na parang sigalot
Ang ulan para sa akin ay isang natatanging yaman
Nagbibigay sigla, sa pusong matagal nang nag-iisa
~ Ito ay para sa aking pinakakamahal na rainy season!!!
TAMBALAN
Walang kuwenta ang isang magandang buhay
Kung wala ang dalawang tagatanggal ng lumbay
Tambalan, bakit kay galing ninyong magpatawa
Sa mga taong ang iniisip na lang ay problema
Ang tawa ninyo'y sobrang nakakahawa
Paano ninyo nagagawa magsalitang walang sawa
At mag-isip ng punchline sa mga taong naloloka
Kaya ang iba, ang ginawa'y kayo'y ginagaya
Hindi kumpleto ang umaga kapag sila'y wala
Parang Biyernes Santo ang pakiramdam ng madla
Parang natalo sa lotto, ending at pustahan
At parang iniwan ng taong minahal ng lubusan
Kung makikita ko lang ang ating kinabukasan
Siguradong magtatagal ang samahang Tambalan
Walang papayag sa amin kung ang ere niyo'y huli na
Siguradong maghahalo ang balat sa tinalupan, hala!
Emmy Lou Gaite o ang engkandyosang Nicole Hiyala
Adrian Policena o si Chris Tsuper, sa kanya'y pagkilala
Maraming salamat sa palaging umagang napakaganda
Kung marami lang akong pera, kayo'y nabiyayaan na
Natapos na ang isang araw ng kanilang halakhakan
Maghihintay muli ng bagong ratsada kinabukasan
Alam ko, alam niyo tayo'y naligayahan muli
Marahil nasabi niyo'y ang buhay ko'y may kuwenta uli
~ Ito ay para sa aking pinakamamahal na Tambalan ng Isang Balasubas at Isang Balahura
PAG-IBIG AYON KAY...
Narito ang ilan sa mga nabasa kong salita
Ganito ang tingin nila sa napakalakas na puwersa
Pag-ibig, kung susumahin, hindi naman kailangan
Pero sa mga salitang ito, tiyak magbabago ng biglaan
Ayon kay Oscar Wilde, nagsulat ng The Happy Prince
Ang mga babae sa lipunan ay ginawa para mahalin
Hindi lamang sila ay upang maiging intindihin
Marahil ganito ang gagawin sa diyosang napakahinhin
Kung ang musika lamang ay pagkain ng pag-ibig
Ang dapat mong gawin ay patugtugin ng patugtugin
Ika nga ng isang napakagaling na manunulat
Na itago na lang natin, William Shakespeare ang ngalan
Willa Cather, salamat sa iyong mga tanging salita
Tungkol sa pag-ibig, sinamahan pa ng pagkamilagrosa
Kung mayroong matatawag na dakilang pagmamahal
Lagi mayroong milagro sa inyong kay gandang pagsasama
Sinabi ng matalinong Griyego si Ginoong Plato
Sa haplos ng pagmamahal, lahat nagiging makata
Ibig sabihin ba nito'y ako'y nagmamahal ng matino
Dahil nakagawa na ako ng napakaraming tula
Pati ang mga pintor, nakikiayon sa salita ng pag-ibig
Si Voltaire, na nakilala sa kanyang magagandang obra
Ang pag-ibig ay parang canvas, gamit sa pagpipinta
Iniayos ng kalikasan, imahinasyo'y pilit na binurda
Kayo, kilala niyo ba ang magaling na si H.L. Mencken
Ako kasi hindi pero sa salita niya'y ako'y nabighani
Inihalintulad ang pag-ibig sa isang pangit na digmaan
Madaling simulan ngunit mahirap tapusin ang laban
Ang aking pinakamamahal na si Kahlil Gibran
Aakalain mong nabanggit niya ang mga ganitong wika
Noong siya'y kabataan, pag-ibig ang kanyang guro
Sa gitnang taon ay katulong, sa katandaa'y kaluguran
Si Lao Tzu, nakilala bilang isang magaling na pilosopo
Na kung saan, pati ang pag-ibig kanya ay inako
Sabi'y kung magmamahal ng sinuman, bigay nito'y kalakasan
At upang mahalin ng sinuman, bigay nito'y katapangan
Si Antoine de Saint Exupery, nagbigay din ng sariling wika
At para sa akin, ito ang pinakamagandang talinghaga
Ang pag-ibig ay hindi patungkol sa pagtititigan
Kung hindi ito'y pagtitinginan sa iisang direksyon lamang
Sila na ang magagaling pagdating sa pag-ibig
Nakaranas na siguro kaya nakapagbitiw sa kanilang bibig
O, pag-ibig, kailan ko kaya ika'y mararamdaman
Damdamin ko'y nangungulila, kailangan ng pampasigla
Isa na lang, huli na lang at kailangan siyang mailathala
Mula sa napakamakatang ngala'y Francisco Balagtas
Na kapag ay pag-ibig ay pumasok sa puso ninuman
Tiyak hahamakin ang lahat, masunod ka lamang
~ Ito ay para sa mga taong in-love! Kayo na!!!
Sana'y natuwa kayo sa aking palabas (theater ito?). Kailangan ko ng magmadali dahil ako ay aalis mamaya!
Toodles!!!
No comments:
Post a Comment