Friday, June 03, 2011

Hindi Ko Man Lang Binigyang Halaga Ang Salitang PAGTITIWALA

Bakit may mga magkakaibigang nagiging masaya kapag magkasama? Bakit may mga magkakaibigang nagbibigayang ng pagtitiwala sa isa't isa? Bakit may mga magkakaibigang hanggang sa huli ay magkasama pa rin? Pero iba ito! Isang napakalaking kasalanan ang nagawa, pero ang tanging gagawin lamang ng isa ay humingi ng kapatawaran.

Ikaw bilang isang matalik na kaibigan, may mga pagkakataong sa iyo lamang sasabihin ng iyong kaibigan ang mga sikreto at kung ano pa man. Kayo lang din ang nagkakaintindihan. Pero paminsan-minsan, may mga pagkakataon na nasasaktan mo ang matalik mong kaibigan dahil may nagawa kang mali, o nasabing hindi maganda, at lalong-lalo ng pinaglaruan mo siya at pinagmukhang kawawa.

Ikaw bilang isang matalik na kaibigan, ang hilig mong patawanin ang iyong kaibigan, lalo na kapag siya ay nasa gitna ng pagkalakas-lakas na unos sa kanyang buhay. Sa iyo siya lumalapit kapag siya ay may problema. Pero paminsan-minsan, may mga pagkakataon na naiinis na siya dahil kulang na lang ay halukayin mo na ang kaloob-looban ng kanyang pagkatao, dahil nga naman kaibigang matalik mo siya. 

Ikaw bilang isang matalik na kaibigan, ibinigay niya sa iyo ang pagtitiwala. Alam niya na sa iyo lang siya may lakas na loob na magsabi ng totoo, sikreto at kung ano pa mang opinyon na sa kanya'y dapat ikaw lang ang nakakaalam. Pero paminsan-minsan, may mga pagkakataon na nadudulas ka at nasasabi mo ang mga salitang dapat sa inyo lang at hindi na dapat malaman ng iba, at marahil kung mangyari man iyun, tiyak na malaking pagtitiwala ang mawawala sa iyo.

Ikaw bilang isang matalik na kaibigan, inakala mo na hanggang sa huli ay magkasama kayo, magkaroon man kayo ng sariling buhay at pamilya. Kahit may mga sarili na kayong buhay, pilit niyo pa ring isinasantabi ito dahil ang inyong pagkakaibigan ay pang-habambuhay. Pero paminsan-minsan, may mga pagkakataon na nakakalimot ka at ni tawagan man lang siya ay hindi mo na magawa dahil abala ka na sa lahat.

Ikaw bilang isang matalik na kaibigan, iniisip mo ang kapakanan ng iyong matalik na kaibigan. Lagi mo siyang sinasabihan ng "mag-ingat ka!" o kaya nama'y "kamusta ka?" Maganda nga namang isipin na kahit malayo kayo sa isa't isa ay may nag-aalala sa iyo. Pero paminsan-minsan, hindi galing sa puso ang mga pagbating ibinibigay mo sa kanya, may masabi lang na talagang iniisip mo ang kalagayan ng iyong matalik na kaibigan.

Marahil napaisip kayo! Ano nga ba ang sukatan ng isang tunay na pagkakaibigan? Ito ba ay sa haba ng pagsasama? Sa biruang nagawa niyo na? Sa mga sikretong kayong dalawa lang ang nakakaalam?

Pagtitiwala ang dapat na mayroon sa inyong dalawa. Mawala man kayo panandalian sa isa't isa, alam niyong tiwala pa rin kayo sa isa't isa. Sana kahit minsan, hindi mo maisip na pagtaksilan ang matalik mong kaibigan dahil tiwala siya sa iyo na hanggang sa huli, maubos man ang tao sa mundo at mawala man ang lahat, ang tiwala ay hinding-hindi pa rin maiaalis sa inyo. Sana kahit minsan, hindi mo maisip na saktan patalikod ang iyong matalik na kaibigan. Alam niya kasing kung saka-sakali siyang matumba sa problemang ikinakaharap niya, may masasandalan siya. Sana kahit minsan, hindi mo maisip na iwan ang iyong matalik na kaibigan. Dahil noong ikaw ay nasa isang matinding pagsubok, walang araw na hindi ka niya ikinamusta at ikinabahala sa kadahilanang may magawa kang hindi tama.

Pagtitiwala ang nawawala, nawala at kung sakali man, mawawala sa dalawang magkaibigang nagkasakitan at nagkalokohan!

At iyun ang ayaw kong mawala sa aking kaibigan. Pero huli na ang lahat, nagkaroon na ng lamat ang aming pagsasama, ang aming pagkakaibigan, pero sinayang ko ang pagkakataon! Sinayang ko ang lahat, dahil lamang sa isang bagay na talagang malaking pagkakamali na gawin. Hindi ko na alam sa susunod kung pagkakatiwalaan pa niya ako sa mga problemang puwedeng mangyari sa kanya. Hindi ko na rin alam sa mga susunod naming alam kung totoo pa ba ang mga tawa o sadya na lamang. Hindi ko na rin alam kung sa akin pa rin niya ipagkakatiwala ang mga sikretong siya lang at ako dapat ang nakakaalam. Sinayang ko ang pagkakataon! 

Kung mabasa mo man ito, alam mo kung gaano ko pinagsisihan ang lahat! Sinimulan ko ang gulo na ito, payagan mo akong tapusin ito sa pamamagitan ng kung ano mang bagay ang gusto mong ipagawa sa akin. Payagan mo ako sa mga patawad na sinasabi ko sa iyo. At sana, kung papayag ka, magsimula muli tayo. Kung may lamat na ang samahan natin, mas mabuti pang bumili o gumawa ulit ng bago para masaya na ang lahat.

Sa kaibuturan ng aking puso, ako ay humihingi ng hanggang langit na patawad sa isang napakalaking kasalanang aking nagawa!

No comments:

Post a Comment