Monday, September 24, 2012

Si Dodong, Ang Taong Nabubuhay sa Mundo ng Mga What-Ifs

Si Dodong (hindi niya tunay na pangalan) ay laging naglalakad papasok sa kanyang trabaho at pauwi sa kanyang bahay. Habang naglalakad siya ay lagi siyang nag-iisip ng mga bagay na sa tingin, what if kung nangyari nga naman ang mga iyun. Tipong wala naman sa kamay niya at sa buhay niya, pero ninanais niyang mapasakamay ito. Magmula pa noong bata siya ay lagi niyang ginagawa ito hanggang sa na-develop na sa pagkatao niya ang ganitong klaseng behavior. Minsan, kinakausap niya ang sarili niya. Minsan rin naman, nagsusulat siya sa isang pirasong papel ng kung ano ang naiisip niya. Pero lagi niyang ginagawa ang mag-isip kapag naglalakad. Para kay Dodong (hindi niya tunay na pangalan), bukod sa paglalakad as exercise, nakakapag-isip na rin siya ng mga bagay na tungkol sa mga what-ifs

Maraming mga what-ifs na siyang naisip, tulad na lamang na what if siya ang nanalo sa lotto ng mahigit kumulang 700 million pesos? Ang gagawin niya raw, sa 700 million pesos na makukubra niya, kukuha siya ng 10 million at ibibigay niya sa sampung simbahang pinakapaborito niyang dasalan. Makakapag-aral na rin siya sa pinapangarap niyang eskuwelahan. Dahil nga may pera na siya, mayroon na siyang dahilan para mag-aral doon. Makakapunta na rin siya sa mga dream vacations niya like Cebu, Palawan, Hong Kong, Japan, Korea, China, Singapore, Dubai, Paris, London, Greece, Italy at New York. Kahit yung mga lugar na tipong hindi naman puntahin, pupuntahan niya katulad na lamang ng South Africa, Moscow at Brazil. Makakabili na rin siya ng mga inaasam niyang gadgets, tulad ng bagong-bagong iPhone 5, MacBook Air at iPad para sa kanya, kapatid niya at pati na rin sa mga kaibigan niyang umaasam din nito. Makakabili na rin siya ng isang bahay sa loob ng Ayala Alabang o sa Magallanes Village na kailangan 4 bedrooms, malaking garden at may swimming pool. Bibili rin siya as investment and business na rin ng isang condominium unit sa Makati at ipapa-rent niya ito if not sa mga foreigners, puwede na rin sa mga high society individuals ng bansa. At higit sa lahat, makakabili na rin siya ng top of the line na mga sasakyan tulad ng Hummer H3, Mitsubishi Montero Sport at isang sedan na if not Audi ay Jaguar. The rest of his money, ilalagay niya sa mga malalaking bangkong matatag at ang kalahati, ibibigay niya sa kanyang mga magulang.

Isang araw naglakad naman siya pauwi sa kanilang bahay. What if kung siya ay may katungkulan sa kanyang pinagtatrabahuan ngayon? Hindi naman naisip ni Dodong (hindi niya tunay na pangalan) na maghangad ng napakataas na katungkulan pero paano nga kung may ganoon siya? Ang una niyang gagawin ay pag-aaralan ang mga pros and cons ng nature ng kanilang trabaho. Ano ba'ng mahirap? Ano ba'ng madali? At higit sa lahat, ipapadama niya sa kanyang mga subordinates kung paano makinig sa lahat. Hindi porke't mayroon siyang katungkulan ay ilalagay na raw niya ito sa kanyang utak! Walang mataas o maliit o malaking trabaho sa isang korporasyon dahil pare-pareho naman kayong pinapasuweldo ng may-ari. Papakinggan niya ang both sides, maganda man o pangit at saka siya gagawa ng paraan para resolbahin ang problema. May pagkakataong sigurong may makakabangga siya dahil sa may hindi pagkakaunawaan pero magpapakapropesyonal siya dahil alam naman niyang part iyon ng kanilang trabaho. Kung siya naman ang may-ari ng kompanya, katulad rin ng nauna, matututo siya makinig sa kanyang mga empleyado. Hindi yung lagi na lang siyang magsasabi ng "bahala na!" or "o sige!" Wala raw mangyayari kung ganoon.

Habang nakahiga si Dodong (hindi niya tunay na pangalan) sa kanyang kama ay bigla na naman siyang nag-isip. What if kung siya ang pinili ng taong pinakamamahal niya at hindi iba? Sinubukan niya noong una pero hindi siya pinayagan dahil para sa kanya raw, hindi puwede at hindi tama. Pero kung sakali lang na pinayagan siya, hindi niya dadaanin sa mabilisang paraan, yung tipong nagkapalagayan lang kayo ng loob eh kayo na. Yung tipong naghawakan lang ng kamay, "on" na agad! Magba-back to basics raw siya, liligawan niya ang babaeng pinakamamahal niya; magbibigay siya ng bulaklak, tsokolate, teddy bear, the likes! Ihahatid niya pauwi, susunduin niya galing sa bahay. Lagi niyang kakamustahin kung masaya ba siya o hindi? At higit sa lahat, lagi niya raw patatawanin ito na tipong magiging walang katapusan ang kanilang tawanan. Kapag dumating raw ang pagkakataong sinagot na siya ng babaeng pinakamamahal niya, ang unang-unang gagawin niya ay ipapakilala niya ito sa kanyang mga magulang. Para kasi kay Dodong (hindi niya tunay na pangalan), ang pagpapakilala sa magulang ang sukatan na siya na nga at sila na nga para sa isa't isa. At ang lagi niyang testing sa kanyang girlfriend, patience. Titingnan niya kung hanggang saan ang pasensya ng babaeng pinakamamahal niya. Kung darating man ang pagkakataon na magiging long distance ang kanilang relationship, gagawin niya lahat, kahit isang minuto lang silang mag-usap, o kahit isang tweet o message sa Facebook, magkatagpo man ang kanilang mga puso. Maniniwala raw sila na kahit malayo sila sa isa't isa, kaya nila basta't walang kakalas at lalakas pa! Pero bigla siyang parang naalimpungatan dahil nangangarap lang pala siya.

Habang naglalakad siya sa loob ng isang napakalaking mall, bigla na naman nag-isip si Dodong (hindi niya tunay na pangalan), what if kung lahat ng mga damit, sapatos at bag na nakikita niya ay bagay sa kanya? In fairness naman dito kay Dodong (hindi niya tunay na pangalan), may sense din naman sa fashion. Hindi naman siya laging sumusunod sa uso, basta ang importante, comfortable siya sa mga damit na naisusuot niya. May nakita siyang magandang jacket, dahil may pera naman daw siya galing sa napanalunan niyang 700 million pesos sa lotto, ay bibilhin niya ito at gagamitin niya ito kapag papasok siya sa trabaho niya. May nakita siyang magandang barong, bibilhin niya ito at gagamitin niya sa mga formal gatherings tulad ng graduation o puwede na ring Linggo ng Wika celebration. May nakita siyang coat, at since kasya naman raw sa kanya bibilhin niya ito at gagamitin rin sa mga formal functions tulad ng mga awards night at kung anu-ano pa. May nakita siyang magandang polo, bibilhin niya ito at isusuot sa pinagtatrabahuan niya. May nakita siyang magandang cardigan, bibilhin niya at ipapatong niya sa polo with matching necktie pa na maganda rin kaya't bibilhin niya ito. May nakita siyang magandang sapatos, isusukat niya at bibilhin dahil alam niyang bagay daw ito sa kanya. May nakita siyang maganda at mamahalin na bag, bibilhin niya raw iyun hindi dahil mahal at maganda, dahil gagamitin niya papasok sa trabaho. Simple lang naman ang gusto ni Dodong (hindi niya tunay na pangalan), ang maging presentable saan man siya pumunta.

What if naman daw kung ikakasal siya? Ano magiging hitsura ng kanilang dream wedding? tanong niya sa sarili niya habang nagsisimba. Naging part na rin ng wedding entourage si Dodong (hindi niya tunay na pangalan) pero never niyang naisip na kung siya naman kaya ang ikakasal? Dahil may paniniwala si Dodong na dapat lalaki ang gumagastos sa kasal at dahil nga may 700 million pesos naman siya, gagawin niya iyun para lamang sa babaeng pinakamamahal niya. Ang fiance na raw niya ang bahala sa lahat, sa motif o theme ng kasal, sa wedding gown ng kanyang bride-to-be at mga bridesmaids, reception, simbahan at lahat-lahat basta siya ang sasagot dahil para kay Dodong (hindi niya tunay na pangalan), para sa babae ang kasal. Ito na raw yata siguro ang pinakamagandang regalong puwedeng ibigay ng isang lalaking nagmamahal sa babae, well, bukod pa raw sa singsing na simbolo ng kanilang pagmamahalan. At habang naglalakad ang kanyang pinakamamahal sa aisle, pareho silang kumakanta ng "I See The Light" mula sa pelikulang Tangled. Naniniwala kasi silang dalawa raw na sila ang liwanag ng kanilang buhay. Kung wala sila, madilim ang sasapit sa kanilang buhay. Kumbaga raw, hindi lang nila mahal ang isa't isa, may tiwala sila sa isa't isa, at ang tiwalang iyun ang magsisilbing liwanag nila sa kanilang pagsasama. At tatapusin nila ang kanilang wedding ceremony sa pamamagitan ng isang matinding kiss! Sabay yakap at sabay tawa ng malakas! Para daw kasi sa kanila, comedy ang pagmamahalan, huwag raw dapat seryosohin.

Recent lang naisip ni Dodong (hindi niya tunay na pangalan) ito, what if kung makakausap niya si Hesus at magtatanong siya sa Kanya? Habang nasa simbahan si Dodong (hindi niya tunay na pangalan), napatitig siya sa crucifix kung saan nakapako ang ating Panginoong Hesukristo. Bigla siyang napaluhod at sabay nagtanong, "masasagot Niyo ho ba ako sa mga itatanong ko sa Inyo? Katulad na lamang kung bakit may mga taong naghihirap at may mga taong masasaya? Bakit kailangan magsinungaling? Bakit kailangang mangako kung hindi naman pala kayang gawin? Bakit may mga bagay na hindi nakukuha ng iba at napupunta ito sa iba? Bakit may mga taong nag-aaway, may dahilan man o wala?" Nagulat na lamang siya dahil biglang sumagot si Hesus, sabay nagtanong. "Dodong (hindi niya tunay na pangalan), bakit puro ka tanong?" "Panginoon, gusto ko pong malaman ang lahat ng sagot Ninyo sa lahat ng mga katanungan ng taong katulad ko na sumasamba sa Inyo!" "Dodong (hindi niya tunay na pangalan), walang mahirap o madaling tanong sa Akin. Lahat ng iyan ay masasagot Ko. Yun nga lang, may mga panahon tayong kailangan nating hintayin bago mo malaman at mapatunayan ang lahat!" "Panginoon, sana po ay makabalik na Kayo!" "Dodong (hindi niya tunay na pangalan), makakabalik Ako sa iyo, at sa iyong Puso! Ang dapat mo lang na gawin ay gumawa nang naaayon sa iyong buhay at higit sa lahat, mapatawad ang lahat ng mga nagkasala sa iyo, katulad na lamang ng ginagawa ng Aking Ama sa Langit!" Sabi niya, ang sarap sa pakiramdam! Sana totoo! Sumagot ulit si Hesus, "lahat ay puwedeng magkatotoo. Sa Kanya, walang imposible!"

Napaisip si Dodong (hindi niya tunay na pangalan), oo nga raw! Bakit niya raw kailangang mabuhay sa mundong puro palaisipan at kathang-isip lamang kung siya mismo ang gagawa ng paraan para mangyari ito. Sa lotto, kahit alam naman niyang imposible, puwede naman siyang yumaman sa pamamagitan ng pagtatrabaho ng mahusay at sa pagiging diskarte, katulad na lamang ng ginagawa ng iba. Kung siya ay magiging mahusay at propesyonal sa kanyang trabaho, tiyak na magkakaroon siya ng katungkulan ni minsan hindi niya maisip na pagkakatiwalaan siya. Kumbaga kapit lang! Marami pa naman raw babae diyan na puwede niyang pag-alayan ng kanyang pag-ibig, so bakit kailangan niya pang maghintay. Hindi naman raw siya nagmamadali bagkus, naniniwala siya na "good things come to those who patiently waits!" Hindi rin naman raw nasusukat sa ganda ng damit, sa ganda ng sapatos o sa ganda ng bag ang katayuan at hitsura ng isang tao. Kahit sa pinakasimple naman raw na damit, kung kaya mong dalhin, babagay raw ito sa iyo. Kung darating man ang pagkakataon na makakasal siya, kahit iyun na ang pinakasimpleng kasal na mangyayari sa kanila, ay okay na rin; ang importante natuloy ang isa sa mga pinaka-milestone ng kanilang pagsasama, ang pag-iisang dibdib nila! At kahit kailan, kahit saan at kahit anong paraan, puwede nating makausap si Hesus at instantly, sasagutin ka Niya!

Sabi ni Dodong habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay, naku tama na raw ang pag-iisip dahil nakakastress daw! Isipin niyong naisip niya iyun! Natigil na rin siya sa pagtira sa mundong puro what-ifs, dahil ang what-if ay tama, kathang isip lamang!

Toodles, Dodong (finally, na-accept na rin niya ang pangalang iyan!)

No comments:

Post a Comment