Tuesday, December 31, 2013

Da Best of 2013

Sabi nga sa kanta ni Sarah Geronimo, heto na naman tayoooo!!! Sa darating na Miyerkoles ng alas-dose ng hatinggabi ay magbabago na naman tayo ng mga kalendaryo from 2013 to 2014. Kung iisipin talaga na napakabilis ng mga pangyayari sa ating bayan at sa ating buhay. Akalain mong nakatapos na naman tayo ng isang taong punum-puno ng saya't pighati. May mga nabago, may mga nag-stay sa kani-kanilang buhay, may mga nawala man, pero tayong lahat, sumusulong pa rin anumang bagyo, lindol, giyera, kasal, kapanganakan at kung ano pang mga pangyayari ang naranasan natin ngayong taon na ito.

Last year, hindi ako nakapag-countdown ng mga pinakamaganda't pinakapanget na mga pangyayari sa buhay ko dahil sa hindi magagandang pagkakataon. Ngayon, susubukan ko ulit makagawa ng mga "yearender" reports na wala naman sa mga kakilala ko at maski na mga teachers ko na magsabi o mag-utos sa akin na gumawa ako ng yearender reports. Masarap lang talagang mag-throwback lalo na sa ganitong panahong maghihiwalay ang taon. Now, anu-ano bang mga bagay ang mga nangyari sa akin, sa iyo, at sa ating lahat na talagang pang-2013 lang!

NANG SOBRA AKONG NA-HOOK SA "MY HUSBAND'S LOVER"


Ang nagpabago ng mukha ng primetime drama: Si Eric at si Vincent
Sino bang mga miyembro ng LGBT (lesbian, gay, bisexual and transgenders) at pati na rin ang mga GBBT (girl, boy, bakla, tomboy) ang hindi na-hook sa masasabi na nating "classic" na teleserye mula sa Kapuso Network? Nagpatibay ito sa convincing powers ng GMA 7 na pagdating sa pag-ibig walang kinikilingan, walang pinoprotektahan! Nagpamulat rin ito sa nakatakip na mata ng sambayanan na totoong may nangyayaring ganitong klaseng pagmamahalan sa ating lipunan. Ang ikinapangit lamang ay si Vincent (character ni Tom Rodriguez) ay may asawa na si Lally (character ni Carla Abellana). High school "sweethearts" kung matatawag sina Vincent at Eric (character ni Dennis Trillo), na naghiwalay ng naaksidente sa Amerika ang ama ni Eric. Nagtagal siya masyado sa America kaya't na-meet ni Vincent si Lally sa isang bar at doon nagsimula ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Bumalik si Eric sa Pilipinas upang, kung maaari, mabalikan si Vincent ngunit huli na ang lahat. Pero dahil sa tinatawag nating "first love never dies," ay naging sila rin ngunit hindi naging madali para sa kanila.

Sinong hindi kikiligin dito?
Masasabi nating sentro ng kuwento ay ang pagiging ama, anak, asawa, ka-relasyon at pagiging bakla ni Vincent. Sa kanya nakasalalay ang kuwento ng teleserye. Sa buong takbo ng kuwento, tatlong bagay lamang ang sa tingin ko ang pinakatumatak sa puso't isip ko, na maaari ring tumatak sa puso't isip ng sambayanang Pilipino: nang nakita sila Vincent at Eric na muntikanan nang maghalikan sa condominium unit ni Vincent ni Lally. Inaakala noong una ni Lally na may babae si Vincent ngunit hindi pala babae kung hindi lalaki. Para sa akin, ang pinaka-hindi malilimutang linyang binitawan ni Lally, "siya si Beb?" habang tinuturo niya ang index finger niya kay Eric. At ang hospital scene na maraming natinag at nakaramdam ng awa kay Lally. "Sana pinatay mo na lang ako!" "Ginawa niyo akong tanga!" na may halong malakas na sampal ni Lally kay Vincent. At ang pinakahuli ngunit pinakamagandang dialogue ni Lally, "Get your dirty hands off me!" Pangalawa ay nang nalaman ni General Armando Soriano (character ni Roi Vinzon) na bakla ang anak niyang si Vincent. Abot hanggang langit ang pagkasuklam ni Armando sa mga bakla, lalo na noong pinahiya't binugbog niya sa harap ng maraming bisita ang kanyang pamangkin na si Zandro (character ni Keempee de Leon). Hindi ko rin malilimutan ang galit ni Armando sa mga bakla noong may nakasabay silang gay couple na naglalaro ng golf at tinutukan pa niya ito ng baril at nang magkasama sila ni Vincent sa isang gym habang may naglalandiang gay couple. Sa sobrang sama ng loob ni Armando sa kanyang anak ay kinuyog at in-abduct niya si Vincent at ipinasok sa kampo upang maging sundalo. Para sa kanya, ito raw ang magiging gamot kay Vincent upang maging tunay siyang lalaki. Sa huli, nagbaril sa ulo si Vincent na naging dahilan ng pag-aaway ni Armando at ang asawa niyang si Elaine (character ni Kuh Ledesma) at ang pagsasama muli ni Vincent at Eric. At ang pangatlo ay noong inamin na ni Vincent sa
Ang pamilya ni Vincent at ni Lally; sina Diego at Hannah
kanyang dalawang anak na bakla siya. Hindi ko malilimutan ang reaksyong ginawa ng panganay nilang anak ni Lally na si Diego (character ng cute na batang si Antone Limgenco) na pagkatapos aminin ni Vincent na bakla siya at hiwalay na sila ng kanyang mommy na si Lally ay pinagsusuntok niya si Vincent habang umiiyak at tumakbo palabas ng bahay. Masakit sa parte ni Diego ngunit kailangan niya itong tanggapin dahil sa anupa't sinuntok at binulyawan niya ang kanyang ama ay wala na rin siyang magagawa. Maganda ang pagkakagawa ng plot tungkol sa pag-amin ni Vincent na siya ay bakla. Hindi rin naman kasi katulad ng pagka-bakla ni Eric na nanggaling sa America kaya siya tuloy ay naging open na sa lahat. Pinuno rin ng My Husband's Lover na pangmulat sa lahat ng manonood nito na hindi porke't bakla ay magdadamit babae na o manliliit ng boses o gagamit ng Bekimon. Iba't ibang mukha ng pagkabakla ang ipinakita sa kuwento. May baklang lalaking-lalaki na tulad ni Vincent na nagkaroon pa ng pamilya at magandang pagsasama nila ni Lally. May baklang naglalalaki-lalakihan (o sa gayspeak, paminta) na katulad ni Eric. Ibig sabihin nito'y bihis lalaki, boses lalaki, may trabahong panglalaki ngunit alam sa sarili na baklang-bakla siya. May baklang loud katulad na lamang ni Danny (character ni Kevin Santos), ang best friend ni Eric. Siya ang tumatayong anghel de la gwardiya ni Eric at nagbibigay sa kanya ng gabay sa kung anong dapat niyang gawin sa relasyon nila ni Vincent. Ngunit siya naman ang mahilig mag-party at mag-ingay. May baklang matalino katulad ni David (character ni Victor Basa), na isang chef at restaurateur, best friend at naging karelasyon ni Vincent. Mayroon siyang magandang pagkakataon sa kuwento na kung saan gusto niyang magkaroon ng sariling anak at nagpa-in vitro fertilization siya kay Stella (character ni Chynna Ortaleza). Nahulog ang loob ni Stella kay David at sa huli ay nagsama sila kahit alam niyang habang pinagbubuntis niya ang anak ni David ay may karelasyon itong lalaki. At may baklang talagang bakla na katulad ni Zandro. Siya ay tunay na nagdadamit babae, nagme-make-up, nagboboses babae at nagsusuot ng wig na wari'y buhok ng babae. Kaya siya nabugbog ni Armando.

Sino ang hindi na-hook sa love triangle story nina Eric, Vincent at Lally? Kaya na rin ito tumabo sa matataas na ratings dahil alam na nang sambayanang Pilipino na kahit ang mga katulad nina Eric at Vincent ay puwedeng magmahal, lalaki man sa lalaki o babae man sa babae.

NANG NAGPAKASAL ANG DALAWA KONG KAPATID SA KANI-KANILANG MGA JOWA


Sina Mr. and Mrs. Giron (Charm and Ronald)
Sina Mr. and Mrs. Ong (Theresa and Joel)
2013 is the year of wedding, well to my two beautiful kapatid. Ang isang kasal, isang taon naming sinubaybayan. Ang isa naman ay biglaan ngunit alam ang magandang dahilan kung bakit biglaan. Ang isa'y kinasal noong ika-14 ng Disyembre samantalang ang isa nama'y noong ika-18 ng Disyembre. May kuwento kung bakit apat na araw lamang ang pagitan nila nang sila'y nagpakasal.

Para sa kanilang kinabukasan...
Ang kuwento sa akin ni Ronald, dapat nga'y sa ika-21 ng Disyembre ang kasal nila ni Charm ngunit noong araw na iyun ay marami nang nakapagpa-reserve ng kasal kaya't no choice silang gamitin ang mas maagang petsa na ika-14 ng Disyembre. Sa PCJ o Presentation of the Child Jesus Parish sila ikinasal ng ika-9 ng umaga. Sa kasamaang palad ay hindi ako nakahabol sa mismong kasal dahil may tinatapos pa akong gawain noon. Ikinuwento na lamang sa akin ni Andrew na noong halikan portion na nila ay biglang nagtaas ng kamay si Ronald na ibig sabihin ay "this is it!" Nakita ko rin ang mga kamag-anak ni Ronald at ni Charm na talagang tuwang-tuwa sa isang napakagandang pagkakataon. Simple lamang ang barong na suot ni Ronald samantalang regalia kung matatawag ang suot na wedding gown ni Charm na nagkasya sa kanyang magandang pangangatawan kahit na siya ay apat na buwan nang nagdadalang tao. Sa sikretong reception sa Max's Restaurant sa Sucat ay doon ko na kinamayan at bineso ang bagong kasal na sina Ronald at Charm. Nakakatuwa man dahil sa simbahan pa lamang raw ay hinahanap na nila ako ngunit hindi ko papayagan ang sarili ko na hindi makapunta sa isang pangyayaring pinaka-importante para sa kanilang dalawa. Nagkaroon ng kamustahan, kuwentuhan, kainan (siyempre!) at higit sa lahat, picturan kasama ang dalawa. Napanood din namin ang isang audio-visual presentation ng kanilang pagsasamahan at nanumbalik sa akin ang mga panahong umiiyak sa akin si Ronald kapag nag-aaway sila ni Charm, at kapag siya'y nagkukuwento sa akin ng masasayang bagay sa kanila ni Charm (alam na niya yun kung anu-ano yung mga yun!). Nanumbalik rin sa akin sa pamamagitan ng mga litrato noong sila'y nasa institusyong pinagtuturuan ko dahil doon nagsimula ang lahat-lahat (lalo na sa kuwarto dati ng Grade 2-Friendly at Grade 5-Obedient). Aminin ko man na ang tingin ko pa rin sa kanila'y bata pa ngunit alam ko at alam ng lahat ng taong taos-pusong nagmamahal sa kanila na sila'y bibiyayaan ng magandang kinabukasan kasama ang kanilang magiging anak. Alam na siguro ni Ronald kung ano ang tama para sa kanila ni Charm at para sa kanilang anak. Doon sa araw na iyon nakita namin kung gaano sila kasaya, lalo na si Ronald na animo'y bata sa sobrang kakulitan at kasiyahan.

Magkasama habang buhay...
Ika-18 ng Disyembre, ika-4 ng hapon nang ikinasal naman ang aking minamahal na sister na si Theresa o Tere sa amin sa Teacherrifics at Matet sa kanyang mga kamag-anak sa kanyang soon-to-be kabiyak na si Joel. Mantakin niyong sampung taon na silang magkakilala at siyam na taon na silang magkarelasyon. Kung bibilangin ang pagkakataon, halos buong buhay nila ay magkasama na sila at kahit anu-ano pang mga pagsubok ang kanilang naranasan ay sila pa rin ang magkasama hanggang sa huli. Nakilala ni Theresa si Joel sa isang activity na kung saan ang grupo ni Theresa ay pumunta sa seminaryo na kinabibilangan ni Joel. Doon sila unang nagkita at doon nagsimula ang kanilang pagmamahalan. Sa kanilang audio-visual presentation ay doon namin nakita kung gaano pa kanene si Theresa at kung gaano pa kapayat si Joel. Nakakatawa man isipin na bago dumating ang pinakahihintay na kasalan ay dumaan muna silang dalawa sa mga pagsubok na hindi naman maiiwasan. Nitong Hulyo ay sumailalim sa isang operasyon ang ina ni Theresa na may sakit sa kanyang atay. Mabuti naman at nairaos ngunit sa hindi inaasahan ay naapektuhan ang magiging kasal ng dalawa. Nakakalubag man ngunit hindi sila nagpaapekto sa mga pangyayari kaya't nagawan nila ng paraan upang matuloy ang kasal. Sa vow na inilahad ni Theresa (na muntikan ko pang mabasa) ay naging emosyonal siya sa lahat ng mga magaganda at hindi magagandang pangyayari na naging kaakibat ng kanilang pagsasama hanggang sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib. Ako, kasama ang aming buong barkada at ang kani-kanilang pamilya't kamag-anak, ay naluha sa sobrang emosyonal na vow ni Theresa para kay Joel. Kumpleto lahat, nandoon ang pamilya nila Theresa at Joel, of course ang Teacherrifics (hindi nga lang kami kumpleto) at mga piling-piling kaibigan nila, nakita naming lahat kung paano ang pagmamahalan nila. Ito ang kasal na kung saan lagi naming bini-visualize ni Theresa magmula sa mga pagtingin sa mga magazines, hanggang sa mga gowns, motif, cakes, Intramuros at kung anu-ano pa. At hanggang sa pagpili ng kanyang kanta paglakad sa aisle ng napakagandang Mary Immaculate Parish na mas lalong kilala na Nature's Church.

Pareho na sila ngayong nagsisimula bilang "husband and wife." Pareho na sila ngayong naninirahan sa kanilang simple ngunit punumpuno ng pagmamahalan na tahanan. At pareho na rin silang nagmamahalan hanggang sa kaibuturan ng kanilang naglalakihang puso. Congratulations para sa kanilang dalawang bagong kasal at nawa'y ngayong darating na 2014 at lalo pang mag-alab ang kanilang mga puso lalo na sa kanilang magiging pamilya!

NANG AKO AY MAGING HIGH SCHOOL TEACHER


Bawal umupo sa mesa pero ginagawa ko yan!
Sa limang taon kong pagtuturo sa aking nakagisnang institusyon ay nakita't naramdaman ko na kung paano maging isang guro. Naging guro ako sa Grade School at masasabi kong masaya dahil ang mga tinuturuan mo ay mga bata. Masaya dahil nakakahawa ang kanilang kakulitan at siyempre, ang pagiging bata. Ngunit may mga pagkakataon rin na umaayaw ako dahil may mga bagay na dapat ginagawa ngunit bawal. Napunta rin ako sa Special Education sa pagtatangka kong maranasan kung paano nga ba magturo ng mga katulad ni Kuya Bong na special at gifted. Masaya silang turuan na para ka lang nasa tutorial center, ngunit mas mahigpit at mas maigting ang pagbabantay sa kanila dahil sa kondisyon na mayroon sila. Ngunit nabigo ako sa gusto kong mangyari dahil habang ginagawa ko siya, nasabi ko na lang sa sarili ko na hindi pala. Nagbalik ako sa Grade School at sa mas mababa pang lebel ang aking tinuruan, ngunit okay lang rin naman. Hanggang dumating ang pagkakataon na ang aking matalik na kaibigan ang kinailangang mangibang-industriya at ang tanging tao na papalit sa kanya ay, sabi niya at sabi rin ng iba, ako raw. Kaya ako napadpad sa departamento ng mataas na paaralan.

Sa una natutuwa dahil sa wakas magagawa ko na ang mga bagay na gusto kong ipagawa sa mga bata. Maisasakatuparan ko na rin ang pagiging "facilitator" sa loob ng classroom, na hindi naman porke't facilitator ka na at wala ka ng gagawin sa loob ng classroom. Na-excite ako dahil sa mga magiging mga estudyante ko, na tipong masarap kausap kapag nag-aaral. Nagbabasa, nagsusulat, nag-iisip, gumagawa at kung anu-ano pa. At siyempre, dito ko rin mararanasan kung paano ba maging isang adviser ng isang klaseng iba't ibang problema ang mayroon sa bawat estudyante. Nandiyan na ang problema sa pag-aaral, problema sa pamilya at lalong-lalo na ang problema sa puso. Ngunit hindi halos lahat ng mga estudyante sa High School ay
Ganyan na ganyan sila! Haaaaay!
katulad ng parang mga nasa Grade School at nasa SPED. May mga hindi nag-aaral, bastos, walang modo at walang pakialam kung hindi sa pag-aaral, sa akin bilang kanilang guro. Na ito ang mga dahilan kung bakit minsan naiisip kong tumigil muna sa pagtuturo dahil nakalimang taon na rin naman ako. Hinding-hindi ko makakalimutan ang isang estudyante nabastos ako sa harap ng klase, at alam kong kahit mali ay nakaganti rin naman ako sa kanya. Yun nga lang sa maling panahon dahil sa kaarawan ko pa nangyari. Yung pinagtawanan ako ng mga estudyante ko dahil sa hindi magandang birong ipinukol sa akin ng isang estudyanteng hindi naman katalinuhan. Yung habang nagtuturo ka'y may nagdu-doodle, may nagkukuwentuhan, may nagtatawanan, may natutulog, at higit sa lahat, harap-harapan ang kopyahan kapag quizzes, long test at quarterly exams. Sa kanyang mga bagay, naisip ko ulit kung titigil ba muna ako sa pagtuturo o maaaring ito na rin ang dahilan ng aking pag-alis sa tinuturuan kong institusyon. Hindi rin natin masasabi pero kung gugustuhin, may paraan.

Pero nagpapasalamat pa rin ako dahil naranasan ko kung paano maging high school teacher sa henerasyon ngayon ng mga batang napaka-aga'y masyado ng "opinionated" at "marurunong." Sa mga darating na panahon, iiwan ko ang institusyong nagmulat sa akin at magpapasalamat. Pero hindi ko alam kung lilingon pa ba ako sa pinanggalingan. Bahala na!

NANG BUMALIK AKO SA PAG-AARAL

Isa nga akong guro ngunit isang pagkakataon lang ang gusto kong mangyari ngayong 2013, ang bumalik sa pag-aaral. At natupad ko naman siya dahil ginawa ko ang pangarap kong makapag-aral muli. Ilang beses ko nang naisulat dito sa aking blog na ako'y ay isang Lasallian. Nakakatuwa lang din dahil noon, dinadaan-daanan ko lamang siya kapag papasok ako noong college. Hindi ko akalain na makakapasa ako dahil nahirapan ako sa Math at hindi rin ako naging sigurado sa naging sagot ko sa Literary part. Hindi ko makakalimutan noong exam ko na kung saan ipina-explain sa akin ang tula ni Bienvenido Santos na The Gods We Worship Live Next Door. Pilit kong iniisip na ang bawat tao ay may kanya-kanyang interpretasyon ng tula kaya siguro makakapasok ako. Nagulat na lamang ako dahil tinawagan ako ng Literature Department para sa isang interview. Unang taong nakita't nakausap ko mula sa DLSU ay si Dr. Ronald Baytan, na siya ngayong Graduate Program Coordinator. Medyo nahiya lamang ako dahil sa hindi na nga kagandahan ang mga grades ko noong college, hindi ko pa yata alam kung ano ang nakapaloob sa course na pinili ko, Masters of Arts in Language and Literature major in Literature. Ang alam ko noong una, makakatulong itong pag-aaral ko na ito kapag ako'y nagtuturo sa high school at sa college. At higit sa lahat, gusto ko ang mga bagay na pag-aaralan ko: iba't ibang panitikan ng iba't ibang bansa mula American, English, South American, Asian at pati na rin ang iba pang mga teorya na maaring makasama ko hanggang sa makatapos ako. Ngunit hindi naging madali ang lahat. May mga pagkakataong nakikinig na lang ako sa professor ko dahil kailangan ngunit hindi ko siya tuluyang iniintindi.

Pumasok ako ng napakaaga, Sabado, 6:30 at nasa Br. Andrew Hall na ako para hintayin ang 8:00 na klase ko. Nakakahiya man ngunit ginawa ko siya dahil nga excited ako at pakiramdam ko, para lang akong "froshie." Una kong subject ay Foundations of Language Learning, naging masaya naman ngunit nahirapan akong makapag-adjust dahil matagal-tagal din kasi akong hindi sumapi sa akin ang pagiging isang estudyante. At mukhang nangalawang na rin ang utak ko. Ang sumunod kong klase ay 12:00, sa Room M317 sa Miguel Hall at ito ay Literary Theory and Criticism. Gusto ko ang klaseng ito dahil magaling ang professor ko, si Dr. David Bayot na kilalang-kilala sa buong pamantasan pati na rin sa buong bansa pagdating sa Literary Criticism. Hindi ko makakalimutan ang paminsan-minsang pangungutya niya sa mga gawa ng magagaling na manunulat pero mas ginusto ko siya bilang isang guro na magaling at hindi na kailangan ng kung anu-ano pang visual aids. Chalk at malinis na pisara, okay na sa kanya. Yun nga lang, hindi ko gusto ang subject na tinuturo niya sa kanya dahil ni minsan talaga, hindi ko ginusto ang mga teorya sa panitikan. Kaya hindi rin kagandahan ang nakuha kong mga grado.

Kung hindi dahil sa DLSU, hindi ko makikita ng personal sina Macario Tiu, Bienvenido Lumbera at F. Sionil Jose
Second term at sinabi ko sa sarili ko na babawi ako. May isa na akong subject na kailangan kong pasukin tuwing Huwebes ng gabi, 6:00 at sa Br. Andrew Hall na Psychology of Language Learning. Si Dr. Genuino ang naging professor ko na sobrang bait at magaling magturo. Yun nga lang medyo hindi ako natuwa sa kanya sa huli dahil medyo mababa rin ang ibinigay niya sa akin na mistulang parang wala akong ginawang maganda sa subject na iyon. Tuwing Sabado naman, 12:00 ng tanghali sa M317 pa rin ay Literary History of the Philippines sa ilalim ng napakagaling na guro na si Dr. Genevieve Asenjo. Masasabi kong isa siya sa pinakamabait, pinaka-fashionista, at pinakamagaling na guro. Nagsisisi nga ako dahil sa buong second term ay nakatatlong absent ako sa klase niya dahil sa sobrang trapik at malakas na ulan. Ngunit, naging daan siya upang lalo kong mahalin ang pagbabasa at panitikan. Hindi rin dahil sa kanya, hindi ko lalong mauunawaan ang dating hindi ko mahal na Philippine Literature dahil mas ninanais kong maging magaling sa British at American literature. Hindi ko pa alam ang grade na nakuha ko sa kanya at hanggang sa ngayon ay hindi pa ako nakakapag-online enrollment ngunit ako'y hindi na makapaghintay sa pangatlong termino ko sa DLSU. Katulad na lamang din ng isinulat ko noon, hinding-hindi ko na ilalagay sa utak ko na isa akong estudyante ng DLSU, kung hindi ako ay isa na muling estudyante.

Maganda ang loob ng DLSU. Ang Chapel of the Most Blessed Sacrament, St. La Salle Hall, Yuchengco Hall, St. Joseph Hall, Br. Andrew Hall, Agno Street, Henry Sy Sr. Hall, The Learning Commons, Cory Aquino Democratic Space, Gaerlan Conservatory (na balita ko'y wala na raw), Br. Benedict Library sa 18th floor ng Br. Andrew Hall, at marami pang spaces. Ito ang mga lugar na ikinakatuwa ko sa loob ng DLSU na sa mga darating na taon ay mamahalin ko't hindi ko (siguro) pagsasawaan hanggang sa mga huling araw ng aking M.A. Wala pa naman akong binabalak na mag-aral para sa aking Ph.D. dahil kakasimula ko pa lang pero gusto ko pa rin sa DLSU. Kung papayagan din naman nila akong makapagturo dito, bakit hindi. Basta't gagalingan ko.

Marami mang nangyari ngayong 2013, lahat ng ito'y magiging aral sa ating lahat. Masalimuot, oo, lalo na sa mga pinagdaanang mga pagsubok tulad ng giyera, lindol at bagyo ngunit ika nga ni Anderson Cooper, "resilient" tayong mga Pilipino. Naging maganda rin naman ang takbo ng ating mga pambato sa iba't ibang beauty pageants tulad ng Miss World, Miss Universe, Miss Supranational at Miss International sa mga panalong ating nakuha. Sa kinaiinisang Pork Barrel Scam at sa mga sagot na "I invoke my right to self-incrimination" na hindi yata talagang tuluyang naiintindihan ni Janet Lim Napoles. Sa mga away at gulo sa Senado sa pagitan nina Senador Enrile at Senador Santiago. Sa tuluyang paghihiwalay nina Nikki Gil at Billy Crawford, Claudine Barretto at Raymart Santiago at Sunshine Cruz at Cesar Montano. Lahat ng ito'y napag-usapan at naging kaakibat ng buhay ko dahil ang mga ito'y maaaring maging aral sa aking buhay. Anuman ang mga pagsubok, tibay lang at tuloy-tuloy lang dahil pasasaan pa't makakatayo rin ako. Lagi lang panatilihin ang kagandahan sa loob at labas ng aking pagkatao na maaaring maging pambato sa anumang larangan ng buhay. May pagkakataon man na kinaiinisan ako, pasensya na dahil sabog lang ang utak ko at hindi ko alam kung ano ang uunahin ko, pag-aaral ba o pagtuturo. At sa isyu ng "pagtatapos," na ang tanging panahon na lamang ang hinihintay ko. Hindi ko din alam kung kaya ko pa kaya hindi ko din alam kung ano ang mangyayari sa akin kung talaga bang tatapusin ko na kung ano ang nasimulan.

Masasabi kong maganda ang 2013 ko kaysa noong 2012. Kung gumanda man ngayon, ipinagdarasal ko na sana'y lalo pa maging maganda ang 2014 ko at sa mga susunod na taon. Hindi lang para sa akin kung hindi para sa aking pamilya, mga kaibigan, at sa buong bansa.


HAPPY NEW YEAR!!!

Toodles!!!

Mga larawan mula sa Google (MHL at 2014), sa Facebook accounts nina Ronald at Theresa (larawan nila) at sa aking professor na si Dr. Genevieve Asenjo (na basta-basta ko na lang kinuha ng walang permiso).

No comments:

Post a Comment