Sunday, August 07, 2011

Bakit "Da Best" Ang Mga Commercials ng McDonald's?

Nakakain ka na ba dito?
Sa bawat lugar dito sa ating mundo, palagay ko may nakatayong McDonald's na kinakainan ng sinuman sa mundo. Dito lang sa Pilipinas, lalo na sa Metro Manila, napakaraming nagsulputang mga McDonald's ang nakatayo, mapasaya lamang ang bawat Pilipino, mapamatanda man o bata, mapalalake man o babae, mapamahirap man o mayaman, mapa-estudyante man o nagtatrabaho na. Kahit sino yata, napakain na ng restaurant or fast food chain na ito! Ang tanging gusto ko lamang sa McDonald's ay ang kanilang kakaibang mga commercials na napapanood natin sa TV. Kahit ang pinaka-brand nila ay tungkol sa pagkain, ang kanilang opus ay laging tungkol sa kung hindi man, values para sa pamilyang Pilipino, more on the youthful side ng mga Pilipino. Narito ang ilan sa mga commercials na kinuha ko from YouTube na talagang tumatak sa akin, or kung hindi man sa akin, sa ating lahat, at palagay ko, na napag-usapan niyo ng inyong kaibigan, kabarkada, ka-opisina, o karelasyon.

Note: Ang mga kinuha kong "video" ng mga commercials ng McDonald's ay tungkol lamang sa magagandang asal, kumbaga ang mga ito'y seryosong halimbawa ng mga commercials ng McDonald's.

FIRST LOVE - Shown in 2009. Isa na ito siguro sa pinakamalungkot na commercial na pinalabas ng McDonald's. Tungkol ito sa "first love;" nagkita noong sila'y mga bata pa sa McDonald's at nagkitang muli ng pagkatapos ng mahabang panahon. Ngunit, sa pagkikita nila, may asawa na ang kanyang "first love," at kahit hindi man sila naging sila sa huli, alam niya na siya pa rin ang itinuturing niyang "first love." Ang tanging nagpaalala lang sa kanyang "first love" ay ang pagsawsaw niya ng French fries sa sundae. Ang nagpaganda pa lalo sa commercial na ito, ang paggamit ng awiting "Ang Huling El Bimbo" ng Eraserheads, na aakalain mong, parang nangyari noong panahon ng kanilang kasikatan, na ngayo'y nagbabalik-alaala sa kanilang dalawa.

LEARNINGS - Hinding hindi talaga makakalimutan ng sinumang umibig ang kanilang "first love." Masakit man dahil hindi kayo ang nagkatuluyan, magmimistulang isang magandang alaala ng nakaraan kung ano man ang naramdaman.

TWEEN - Shown in 2010. Nagustuhan ko itong commercial ng McDonald's na tungkol naman sa unang"date" ng isang "tween" (mula sa Wikipedia, preadolescence, that is, the stage between middle childhood and adolescence in human development, in the range of 9 to 12 years old). Ang twist sa istorya ay ang pagsama sa kanya ng kanyang mga magulang. Nagmistulang "stage parents" ang kanyang magulang dahil hinatid pa siya sa isang branch ng McDonald's. Inaya niya (siguro) ang kanyang kaibigang babae para sa isang "date" at noong oras na para bayaran ang kanilang in-order na pagkain ay saktong walang dalang pera ang batang lalaki. Nagulat na lamang siya dahil sinabi ng nasa counter ay bayad na ang kanilang pagkain. Ang nagbayad: ang mga magulang ng batang lalaki.

LEARNINGS - Kahit ano pa man ang mangyari sa atin bilang mga anak, nandiyan pa rin ang ating mga magulang para tayo'y gabayan at alagaan.

BFGF - Shown in 2011. Nagulat na lamang ako dahil ito pala ay na-ban o ipinatigil ang pagpapalabas. Marahil sa kadahilanang hindi angkop sa bata ang pinaka-tema ng commercial na ito. Tungkol ito sa dalawang batang nasa parke. Nagtanong ang batang babae kung siya ba ay "girl friend" na ng batang lalaki. Sumagot ng hindi ang batang lalaki dahil masyadong mahirap sa kanya ang magkaroon ng kasintahan. Masyadong "demanding" ang pagkakaroon ng "girl friend," na tipong kung ano man ang magustuhan ay kailangang pagbigyan. Ngunit, ang tanging hiling lang pala ng batang babae ay bigyan siya ng French fries ng batang lalaki. Sa huli, pinagbigyan din siya at marahil, naging sila.

LEARNINGS - Hindi nga talagang angkop sa kanilang edad ang ideya tungkol sa pag-ibig pero sa pagkakataong pinakita ng commercial na ito, kailangang malaman ng sinumang umiibig na may hangganan kung ano ang kailangan ng isang umiibig na babae, sa isang umiibig na lalake at ganoon din sa kabaliktaran.
KAREN - Shown in 2002. Sobrang naaalala ko itong commercial na ito. Dahil din sa commercial na ito ng McDonald's nakilala si Karen delos Reyes, na naging artista ng GMA 7 (kung natatandaan niyo siya, naging parte siya ng programang Click na ipinapalabas tuwing Sabado). Tungkol naman ito sa mag-lolong kumain sa isang branch ng McDonald's. Umorder ang apong si Karen ng pagkain nila, habang ang kanyang lolo naman ay naglalaro. Natatawag niyang Gina ang kanyang kasamang apo na si Karen, dahil na rin sa kanyang katandaan kaya nagkakamali siya sa pagtawag ng pangalan ng kanyang apo. Ngunit nabawi ang inis ni Karen dahil habang ang kanyang lolo ay naghihiwa ng kanyang "hamburger," ang kalahating iyon ay para sa kanyang pinakapaboritong apo, na si Karen.

LEARNINGS - Kailangan nating mahalin ang ating mga lolo't lola. Anuman ang mangyari sa kanila, kailangan nating ibigay ang pagmamahal na karapat-dapat sa kanila.

MEMORY - Shown in 2011. Tungkol sa tatlong lolong kumain sa isang branch ng McDonald's. At habang sila'y naghihintay, nakikita nila ang mga nauuso ngayon sa mga kabataan, na noo'y uso na talaga katulad ng "checkered" na damit, ang pagsusuot ng "fedora hat" at ang pag-inom ng kape. Pero kahit sila'y napaglipasan na ng panahon, alam pa rin nila kung ano ang mga uso ngayon, katulad na lamang ng isang lolo na nagmamay-ari ng iPad.

LEARNINGS - Masarap balik-balikan ang mga bagay na kinalakihan at pinauso noon man at ngayon. Anuman ang edad, ang tanging masasandalan ay ang kasiyahang makita ang mga bagay na nagpapaalala ng kabataan.

KUYA - Shown in 2006. Isa rin ito sa nakakaiyak na commercial ng McDonald's. Tungkol ito sa isang kuya na labis ang inis sa kanyang bunsong kapatid. Sinira ang kanyang "assignment," kaagaw sa kanyang laruan at higit sa lahat, ang atensyon sa kanya ng kanyang ina ay nakukuha ng kanyang bunsong kapatid (si Zaijian Jaranilla ang gumanap bilang bunsong kapatid). Pinilit ipinapatindi sa kanya na kailangang magpasensya sa kakulitan ng kanyang bunsong kapatid. Isang araw, sinundo si Kuya ng kanyang ina at nagulat na lamang siya dahil kumain sila sa McDonald's na sila lamang dalawa.

LEARNINGS - Ang bawat miyembro ng pamilya ay may importansya at may kanya-kanyang tungkulin sa pamilya, mapa-panganay ka man, nasa gitna o bunso. At siyempre, lahat ng mga anak, pang-ilan ka man, sa mata ng magulang, sila ay pare-pareho, walang mataas, walang mababa.

BOSS - Shown in 2006. Siya ay ang janitor sa isang opisina na nangangarap na matawag na "boss." Noong siya ay kumakain sa isang branch ng McDonald's, laking tuwa niya na siya ay tinawag na "boss," matanong lamang kung may nakaupo sa isang bakanteng upuan. Mababaw man ang ibig sabihin noon sa iba, para sa kanyang nangangarap, malaking bagay na iyon na tinawag siyang "boss."

LEARNINGS - Hindi dapat hanggang sa anong mayroon ngayon nabubuhay ang isang tao. Walang masama kung ikaw ay mangangarap ng mas mataas o mas matayog, ang importante ay kailangang magsumikap upang makamit ang tanging pinapangarap.

FAMILY PORTRAIT - Shown in 2003. Ang isa sa pinaka-hindi malilimutang commercial ng McDonald's tungkol sa kagandahan ng pamilyang Pilipino. Sa awitin pa lang ni Noel Cabangon na Kanlungan ay tiyak na maiiyak ka. Tungkol ito sa isang karaniwang pamilyang kumakain sa kanilang hapag, isa sa magandang simbolo ng pamilyang Pilipino, na ipinakita ang pagsibol ng isang pamilya, hangga't sa isa't isang lumilisan ang isang miyembro ng pamilya. Habang may umaalis, ay siya namang nadadagdagan ng upuang hindi na nagagamit. May nagrebelde, may nag-sundalo, may nag-aral hanggang ang kanilang magulang na lang ang natira sa kanilang hapag-kainan. Masakit man isipin na maiiwan ang ating mga magulang sa ating tahanan, ay tiyak na babalik at babalik rin. Nagkaroon sila ng isang "instant family reunion" sa isang branch ng McDonald's at doon nila binalikan ang magagandang alaala ng nakaraan.

LEARNINGS - Ang pamilyang Pilipino, anuman ang mangyari at saan mang sulok ng mundo mapadpad ang isang miyembro, babalik at babalik pa rin ito sa kanyang kinalakihang pamilya.

SIMBANG GABI - Shown in Christmas of 2003. Tradisyon na sa ating mga Pilipino na kumpletuhin ang siyam na umaga ng Simbang Gabi. Isa rin ito sa pinakamagandang commercial na ginawa ng McDonald's tungkol sa isang tradisyon. Ipinakita rito kung papaano nagaayos ang mga kasapi ng simbahan, bago simulan ang Simbang Gabi. Ipinakita rin na pagkatapos ng bawat misa, ay simulan ang umaga sa pagkain sa McDonald's.

LEARNINGS - Panatilihing buhay ang tradisyon ng Pilipino tuwing Kapaskuhan at ito ay ang pagsisimba tuwing Simbang Gabi.


NIGHT PEOPLE - Shown in Christmas of 2009. Security guard na naka-duty sa bisperas ng Pasko, gasoline boy na naka-duty sa bisperas ng Pasko, taga-Customs na naka-duty sa bisperas ng Pasko, nurse na naka-duty sa bisperas ng Pasko at ang taxi driver na naka-duty sa bisperas ng Pasko. Sila ang may trabahong kailangan na nasa labas para lamang kumita kahit araw man ng Pasko. Kailangan nilang kumayod para sa kanila, kahit napakasakit na malaman na dapat sila ay nasa kanilang tahanan, kasama ang pamilya, at ipinagdiriwang ang Araw ng Pasko.

LEARNINGS - Anuman ang mangyari, kahit masakit man isipin na hindi kasama ang pamilya sa isang espesyal na pagdiriwang, alam pa rin ng bawat isa na ito ay pinakamahalagang pagdiriwang sa lahat, ang kapanganakan ni Hesukristo. 

Ito lamang ang mga commercials ng McDonald's na talagang tumatak sa ating lahat. Kung pupuwede ka lamang kumain habang kinukunan para sa isang commercial nila, ay tiyak na ikaliligaya mo ito ng sobra!

Kaya kapag McDo, love mo 'to! Kita kits!

Toodles ☺☺☺


Credits to the owner of the logo (rinkya.blogspot.com)
Credits to the videos (www.youtube.com)

No comments:

Post a Comment